Thursday, September 1, 2011

TUNAY NA DIWA NG FILIPINO


BALITA/AUGUST 31, 2011 ISSUE


Ni Dindo M. Balares


SA pamamagitan ng Laguna Copperplate Inscription (LCI) na nakuha ng isang magbubuhangin noong 1989 sa Lumban River malapit sa Laguna de Bay, natuklasan ng anthropologists na maging noong 900 A.D. ay may maayos nang sistema ng pagsusulat ang mga Pilipino.

Ang sinaunang dokumento na nakasulat sa Kawi Script, gamit ang halu-halong Old Tagalog, Old Malay, at Sanskrit ay tungkol sa nabayaran nang pagkakautang. Binabanggit sa LCI ang Tundun (Tondo), Puliran (Pulilan), Medang Kingdom sa Java, ang Srivijaya empire, at Middle kingdoms sa India.

Mas maaga ang LCI ng 621 taon sa pagdating sa ating kapuluan ni Magellan (1521), ang nakakatuwang sinasabi ng Kanluran na pagsisimula raw ng silibisasyon sa Ma-i. (Ma-i ang tawag ng mga manunulat na Tsino noong unang panahon sa ating arkipelago bago tayo naging Pilipinas -- na partikular na tumutukoy sa Mindoro).

Bago pa man nauso ang organic lifestyle, milyun-milyong taon nang organic ang mga Pilipino. Nagsulat ang mga ninuno natin sa mga dahon, kawayan at iba pang nabubulok na mga materyales -- na ipinasunog ng mga Kastila sa kadahilanang hindi nila ito lubusang maunawaan, kaya tungkol daw ang mga ito sa diyablo.

Kung napreserba lamang ang lahat ng mga sinulat ng ating mga ninuno, tiyak na mas marami pang dokumento o panitikan silang nagawa bago sumapit ang 900 A.D. na sinusuri o pinag-aaralan din sana natin ngayon.

Nalaman din sa LCI na malaya ang pakikipag-ugnayan ng mga Tagalog sa iba't ibang kaharian o sibilisasyon sa mga karatig-bansa, hanggang India.

Siyempre pa, ang pinakamahalaga ay ang ipinahihiwatig nito na paghubog ng panahon sa ating sariling wika.

TAGALOG
Ang Tagalog ay sinasalita ng mga Taga-Ilog, ang tawag sa mga taong nakatira sa Namayan (Sta. Ana ngayon), ang pinakaunang kaharian sa Maynila, ganoon din sa mga nasasakupan nito sa mga pamayanan sa palibot ng Manila Bay, Laguna de Bay, sa mga pampang ng Ilog Pasig, hanggang sa mga ilog din sa Bulacan -- na nakikipagpalitan ng mga kalakal sa mga dayuhang negosyante na nagtutungo sa Maynila.

Sakop ngayon ng Katagalugan ang Tayabas (Quezon province ngayon), Cavite, Rizal, Bataan, Batangas, Laguna, Aurora, Marinduque, Mindoro, Palawan, bahagi ng Nueva Ecija at bahagi ng Camarines Norte.
Ang Tagalog, tulad ng wika ng anumang sibilisasyon, ay ginamit ng mga dugong bughaw (mga lakan/hari o dayang/prinsesa) at ganoon din ng kanilang mga nasasakupan.

Ito ay wika ng mga maginoo o noblemen, ang paglalarawan ng Spanish scribes sa mga Taga-Ilog na kanilang naabutan.

FILIPINO
Bilang pambansang wika, mapagbubuklod ba ang ating mga mamamayan ng Filipino (fusion ng regional dialects sa Pilipinas kasama ang Tagalog)?

Mabubura ba nito ang mentalidad na kaya raw hindi nagkakasundu-sundo ang mga Pilipino ay dahil isla-isla tayo, sanay sa kanya-kanya, multilingual, at multicultural?

Sa panahon ng information explotion, magkakaunawaan pa ba tayo kung ipagpipilitan ang pag-iisip ng mga purista?

Maaaring balikan ang Laguna Copperplate, para magising tayo sa katotohanan na 1,111 taon na ang nakararaan, malaya nang gumagamit ng iba't ibang wika mula sa iba't ibang sibilisasyon ang ating mga ninuno.

ENGLISH
"Nagtapos ka ng English Literature para lang magsulat sa Tagalog?"

Ito ang kadalasang tanong ng mga dati kong kaklase nang maging staff writer ako ng Liwayway.

Kailangan ba talagang maging dahilan ng limitasyon ng pag-iisip ang wika? Hindi ba't mas matutulungan tayo nito upang maging malaya sa anumang uri ng pagkaalipin? Lalo na sa pagiging mangmang o ignorante.

Ilang buwan mula nang magsimulang lumabas ang byline ko sa Liwayway noong 1989, naranasan ko ang tunay na diwa ng wikang Filipino -- nang magtungo ako sa Batangas para dumalo sa okasyon ng pamilya ng isang kaibigan. Nang malaman ng patriyarka ng angkan na ako iyong nagsusulat sa Liwayway, buong pagmamalaki niya akong ipinakilala sa lahat ng bisita na tila tunay na miyembro rin ng kanilang pamilya.

Madalas sabihin na pinapatuloy natin sa ating salas ang mga taga-telebisyon. Sa aking karanasan, ang manunulat sa Filipino naman ay tuluy-tuloy na tinatanggap ng mga tunay na Pilipino sa kanilang pamilya at sa kanilang puso.

No comments: