Thursday, May 1, 2008

INTERVIEW: KORINA (PART 1)

Mas importante ang public service kaysa camera shot --Korina Sanchez



PRANGKAHAN
Dindo M. Balares


(UNANG SA 2 BAHAGI)
BILANG peryodista, malaking tulong sa amin ang "thin-slicing theory" na nilaro nang husto ng The New Yorker magazine writer at book author na si Malcolm Gladwell sa libro niyang Blink. Sa literal at madaliang paliwanag, ayon sa mga ekspertong bumuo ng teoryang ito, hindi na natin kailangan pang ubusin ang isang buong pizza kung gusto nating matikman ang lasa nito. Isang slice lang ang kailangan, tapos ang usapan. Dahil naroroon na rin naman sa kapirasong slice na iyon ang lahat ng ingredients nito. O ang lasa ng buong pizza.

Sa kultura natin, may kinalaman ito sa kasabihang, "Hindi mo malalaman ang tunay na ugali ng isang tao hangga't hindi mo ito nakakasama sa ilalim ng iisang bubong." Hindi nangangahulugan na kailangang habang-buhay natin siyang makasama sa isang bahay. Sa loob ng isang buwan, o pinakamatagal na ang isang taong pagsasama, tiyak na lalabas na ang natural.

Malaking hamon sa mga journalist kung paano maipapakilala sa publiko ang isang personalidad sa pamamagitan ng isang interbyuhan. Pero dito namin nagagamit ang thin-slicing theory. Sinisikap naming makakuha ng isang piraso ng buhay o katauhan ng isang personality/celebrity na maihaharap namin sa publiko. Paano? Sa pamamagitan ng mga katanungan na maglalabas ng "best" o "worst" ng iniinterbyu.

Sa kabilang banda, thin-slicing theory rin ang ginagamit ng mga nagpapakalat ng black propaganda. Pinipili nila ang masasama o mapanirang bagay tungkol sa isang personalidad, kadalasan ay inimbentong impormasyon o tsismis, at presto, iyon na ang magiging impresyon ng publiko sa naturang personalidad. Saka naman papasok ang "re-enforcement threory" o ang paulit-ulit na paglabas ng naturang tsismis o impormasyon, hanggang sa maging "totoo" na ito sa paniniwala ng mga tao.

Sa ganitong paraan napaglalaruan ng "spin doctors" ang media. O ang lipunan, sa kabuuan. At hindi lang mga pulitiko ang nabibiktima ng black propaganda. Pati media personalities.

Kailangan pa bang sabihin na isa si Korina Sanchez sa mga biktima ng black propaganda? Ilang "urband legend" na ba ang naikalat tungkol sa kanya? Pero, bakit?

Dahil sa sobrang katapangan bilang broadcast journalist, maraming malalaking tao siyang nakakalaban. May kakayahan ang mga ito na magbayad ng mga "eksperto" para sirain siya. Dahil wala nang maniniwala kay Korina Sanchez kung mawawalan siya ng kredibilidad.

Pero, nananatiling naririyan si Korina Sanchez.

Isa sa mga tumatak sa akin nang interbyuhin namin si Korina Sanchez ang reaksiyon niya nang mapag-usapan ang pagiging guest speaker niya sa graduation rites ng Miriam College (Maryknoll pa nang mag-aral siya roon).

"Sabi ko nga, what an honor. At least 'yong pagka-naughty ko dati, nabura na," natawa niyang sabi.

Inakala kasi namin na hindi siya aware sa pagiging naughty niya. Dati. Raw.

On hindsight, iba siguro ang landscape ng Philippine media kung walang Korina Sanchez na palaban. Sa uri ng pulitika o bureaucracy sa ating bansa, hindi siya magiging epektibo kung mahinhin siya na parang si Maria Clara.

Free-flowing ang naging interview namin kay Korina pagkatapos ng open forum ng press conference sa 9501 restaurant ng ABS-CBN para sa unang taong anibersaryo ng DZMM Teleradyo, kasama ko sina Mario Bautista, Janice Navida ng Bulgar, Allan Diones at Laila Chikadora.

Unang paksa ang mga taong ginagawan ng istorya ng Rated K -- ang pagpapaaral sa mga nais mag-aral at pagtulong para makahanap ng trabaho ang nais magkaroon ng hanapbuhay sa mga ito. Pati pabahay. Parang pinagtiyap naman ng pagkakataon na natiyempong lumapit at bumati ang dalawang executives ng TESDA kay Korina. Ayon sa mga ito ay katatapos lang nilang makipagmiting kay Ms. Gina Lopez ng ABS-CBN Foundation.

"You train and provide jobs, di ba?" ganting bati ni Korina sa dalawa. "Ay, I'll call you! Can you give me business cards?

"All I'm saying is," patuloy ni Korina nang makaalis na ang dalawang ehekutibo ng TESDA, "the public service, 'yan ang mas importante kaysa du'n sa camera shot. The others we've done in the past, ginagawan namin ng ganu'n. For example may ginawa kaming kuwento sa isang 24-year-old, 'yung kuwento kong Unico Hijo, mag-isa s'yang anak, so you'd think na nakakariwasa s'ya sa buhay pero magbobote s'ya na 150 pesos a day ang kinikita, 4 thousand 5 hundred a month... so 'yon, nahanapan namin ng trabaho 'yon. And many, many others. I can give you a list. Meron kaming dancer sa isang gay bar, and he really, really want to study, 'yong isa naman na nude model, pinag-aralan namin ng criminology 'yun, ha? Sila na lang ang bumitaw, 'yung babae nagtuluy-tuloy."

Ano ang qualifications ng gay bar dancer na puwedeng pag-aralin, pabirong tanong ng mga katoto, magandang katawan?

"Loko!" natawang sabi niya, "dapat maganda ang kuwento. Pero 'di na nakikita ng camera 'yan. At saka sa galing sa akin 'yun. 'Yung mga pinapampaaral, sa 'kin galing 'yun, wala sa kompanya 'yon. Sa sariling bulsa ko 'yun. Personal ko na 'yon."

Natuto siyang mag-bazaar dahil sa charity works.

"You know, it all started we did a story lang on Umiray. Saka 'pag bazaar pala 'pag weekend lang pinakamaraming tao, 'pag weekday 'di masyado. Gano'n pala 'yon. Hindi ko alam. Eh, ngayon lang naman ako nag-bazaar. But it did very well."

Humihingi ba siya ng tulong kay Sen. Mar Roxas?

"Hindi. Kasi ang panata ko kailangan sa akin galing. It's my commitment. Sabi ko, the first million should come from me. E, marami rin akong pinapaaral. Marami rin akong pamilyang sinusuportahan. So kahit dalaga ako, hindi mura to come up with a million basta-basta. So, you work for it."

Alam ba niyang may notion ang publiko na dahil successful siya ay parang wala na raw siyang panahon para magkaroon ng sariling pamilya? At kasi pala dati na siyang may itinataguyod na malaking pamilya.

"Alam mo, ngayon ko lang nare-realize din 'yan. 'Yung sinasabi pala nila na, 'Ay, hindi na nakapag-asawa 'yan kasi ang daming itinataguyod!' Totoo rin pala 'yan. Because sometime, siguro, the fulfillment that you'd seek in a marriage and having a family is already fulfilled when you do charity early in your life. And eversince Magandang Umaga Po 20 years ago 'yon na kaagad ang ginagawa ko.'"

So, hindi rin mali ang notion na 'yon ng publiko sa kanya?

"Hindi. Kasi ngayong namatay na ang dalawa kong magulang, ako na rin ang nagtataguyod -- 'di naman nagtataguyod, pero sumusuporta rin ako sa pamilya ng tatlo kong kapatid."

Uliran pala siyang ate?

"Uliran? Kung minsan pakialamera, sabi ng mga kapatid ko. Pero sabi ko, 'Sorry, pero hangga't 'di pa kayo nakakatayo sa sarili n'yong mga paa, makikialam ako talaga.'"

Paano kung mag-asawa na siya?

"E, kaya nga hindi ko iniisip 'yan kasi marami pa akong sinusuportahan."

Totoo bang sa 2009 daw sila magpapakasal ni Sen. Roxas?

"Ay, wala kaming plano. Wala pang plano?"

E, 'yung anak muna bago kasal?

"Eh, siyempre kasal muna. Hindi puwedeng anak muna. Baka tayo batuhin na para tayong si Magdalena."

May usap-usapan na ayaw daw sa kanya ng mga Araneta (pamilya ni Sen. Roxas)? Gaano katotoo ito?

"Hindi ko maramdaman 'yun. Hindi talaga. Alam mo, ang akala ko nga ang mayayaman, nangmamaliit sila. Itong grupong ito, hindi talaga. At hindi rin sila 'yung makikita mo sa society pages. Low key sila. Pumipili lang sila ng mga pupuntahan. Hindi sila mahilig talaga sa sosyalan. Saka talagang ang makikita mong mga kaibigang nakapaligid sa kanila, mga tulad din natin."


So, unfair ang tsismis na hindi siya tanggap ng mga ito.

"Unfair for them, kasi hindi talaga sila ganoon. Matatalino sila... mga down-to-earth sila, mga simple. Mahihiya ka ngang magsuot ng alahas kapag kasama mo sila. Naka-t-shirt, nakamaong."

Si Senator Mar, ano ang relo?

"Plastik. Sa totoo lang, tingnan mo plastik ang relo niya."

So, hindi s'ya brand-conscious.

"Naku, hindi. Niregaluhan ko 'yan, ipinapasoli sa akin. Hindi niya 'sinusuot."

Tanong ni Mario Bautista: So, hindi sila tulad ng mga artista na punumpuno ng alahas kung lumalabas?

"Wala akong sinasabi," tawa nang tawang sagot ni Korina. "Ikaw ang nagsasabi n'yan, Mario. Ayokong tumango. Ayokong magtaas ng kilay. Ayokong umiling.

"Siguro the older generation they have those jewelry. Pero ang mga ka-generation namin, they don't have their own. They don't even buy."

Mr. Right Man na na para sa kanya si Senator Mar?

"Malalaman natin 'yan 'pag nagdesisyon na ako. At 'pag nagdesisyon ako, kayo ang unang makakaalam."

Marami kasi ang nagtatanong kung ano pa raw ba kaya ang kulang para hindi siya mag-settle down? Ano pa ang gustong niyang ma-achieve?

"Hindi naman siguro sa ma-achieve. Una, dapat sigurong makita ko muna ang mga kapatid ko na stable na. Na pati ang mga pamangkin ko ay maayos na ang plano para sa kanila. Kaya lang baka manganak pa nang manganak ang mga 'yan, baka uugod-ugod na ako kumakayod pa rin ako."

Bakit naman kasi niya in-appoint ang sarili na maging "brothers' keeper."

"That's what some of my friends say. But you know we've always been very close-knit. And I never expected na maagang mawawala ang mommy mo. And when that happened, I promised to take care of this family. It's a bow. And I honestly love my brothers. Bata pa lang ako, sa mga litrato namin, lagi ko silang yakap na para ko na silang mga anak."

Siya ba ang panganay?

"Second ako, I have an elder brother."

At ang "trap question" ko kay Korina: Mahirap bang maging benchmark ng journalism?

"Ako ba'ng benchmark?" nagulat niyang balik-tanong.

(HULING BAHAGI BUKAS)

No comments: